Sunday, August 31, 2008

Dekada 90: Eraserheads

Eraserheads*
by Kerima Lorena Tariman

Sa dyip, walkman, dorm. Kung bakit bumenta ang Chuck Taylors noong 1994. Kaya maraming nakyuryus sa salitang "alternatibo," sa LA 105.9, at sa Club Dredd. Kaya nasundan ng marami pang konsyerto ang "Bistro sa Amoranto." Sa clubs, telebisyon, malls. Kung bakit maraming recording companies ang naglakas-loob na mangontrata ng mga bagong banda. Kaya umalma ang senado sa mga "alternatibong kanta." Kaya taun-taon kang nanonood ng Elvis at UP Fair.

Sa klasrum.

Kaya pinag-aaralan sa Humanidades ang liriks ng "Ang Huling El Bimbo." Kung bakit pinaka-mainam na halimbawa ang studio work ng Eraserheads sa art studies subject mo sa ilalim ng prodyuser nilang tinatawag mong Sir Robin Rivera.

Mula Pop U!…
Sa 87 nagsisimula ang student number ni Ely Buendia, bokalista, at gitarista ng Eraserheads. Pumasok siyang Film major sa Masscomm isang taon bago mapadpad si Raymund Marasigan (drums) sa parehong kolehiyo; si Marcus Adoro (gitara) sa CSSP; at si Buddy Zabala (bass) sa Eng'g. Napunta na si Buddy sa LibSci. Naka-sampung taon na ang STFAP. Nakita na natin sila sa magasin, etiketa, sine, internet, dyaryo, paskil, songhits, at libro. Marami nang estudyante ang gumawa ng thesis tungkol sa kanila pero hindi pa rin guma-gradweyt ang Eraserheads.

"Actually, nag-enrol kami sa UP para magbanda talaga, e, " sabi ni Ely. Sunday School ang pangalan ng nauna niyang grupo. Sina Marcus, Buddy at Raymund nama'y nasa bandang The Curfew, at minsan ding naging mga miyembro ng KontraGapi. Nabuo ang Eraserheads sa jamming sa dorm, nang iwanan sila ng mga kabanda. Lumanding sila sa mga pa-konsert sa loob ng UP. Ilang taon silang naging regular sa Club Dredd na nasa Timog pa noon. Nang ilabas nila ang demo tape na Pop U!, paborable ang naging rebyu ni Bomen Guillermo sa Philippine Collegian.

Banda raw ang dahilan kung bakit sila pumasok sa UP, "kaso," wika ni Raymund, "hindi kami tinanggap sa (College of ) Music kasi hindi kami marunong mag-sight read (ng nota)."

"Pero marunong kaming mag-read ng sights," dagdag ni Ely. Kahit sa simula'y hindi ganoon kagaling sa paghawak ng mga instrumento, ang pagiging sensitibo sa "pop music hooks" at "90s Pinoy pop culture" ang pinanghawakan ng grupo. Popular at "pang-masa" ang bansag sa kanilang musika. Gayunpaman, may pakiwaring esklusibo sa UP, halimbawa, ang isaw, tansan, at thesis sa "Ligaya," ang karakter ni "Shirley" na "naka-dress sa skwela…papunta sa CASAA," at ang pagmumukmok ng nagmumurang persona sa "Pare Ko." Bagamat pop, may hibo ng punk ang aktitud na ipinakita nila sa madla.

Nang tanggapin ng maraming tagapakinig ang ultraelectromagneticpop! na inilabas ng BMG Records noong 1993, kasabay nito'y sumabog ang isang "alternatibong" eksena na nagbigay-daan sa iba pang bandang kasama nila sa andergrawnd - Color It Red, Alamid, The Youth, at Yano, na banda rin mula sa UP.

Hanggang Natin99
Pitong taon at pitong album. Nalibot na nila ang Pilipinas. Wala nang Club Dredd kahit sa EDSA. Nakapag-endorso na sila ng serbesa't tsitsirya. Binansagan na silang bastos, baduy, at pa-Beatles. Mas uso na ulit ang basketbol kaysa sa gitara. At dahil nakita na natin ang Eraserheads sa magasin, etiketa, sine, internet, dyaryo, paskil, songhits, at libro - kakatwang minsa'y nakakalimutan ng ilan na meron nga pala silang musika.

Milya na ang layo ng ultraelectronmagneticpop! sa pinakahuling album na Natin99 - mula sa porma, eksperimentasyon sa tunog at instrumento, hanggang sa nilalaman at tema. Habang napaka-kongretong karanasang kalye ang ibinabahagi ng "Ligaya" o "Magasin" (Circus, 1994), abstrakto at 'matayog' na ang "Kaliwete" (stickerhappy, 1997) at ang "Maselang Bahaghari" (Natin99).

Kung paanong umukit ng pangalan ang Eraserheads sa eksenang kasama nilang nilikha sa gitna ng Dekada '90, ay dala syempre ng komersyal na tagumpay ng mga trabaho nila sa loob ng studio. Pero kasama ng multiplatinum ng Circus, matatagpuan ang komentaryo sa eksena at industriya ng musika sa seryeng-filler na "Punk Zappa." Maging ang mga bagong abstrakto't di-maintindihang kanta ng E'heads ay maaari pa ring tingnan bilang pagbasag sa nakasanayan nating mga titik at tugtog sa radyo - sa diwa ng "non-conformity" na aktitud na nila mula't sapul nang sumambulat ang banda.

"Apolitical kami," anila. Pag-aabolish sa ROTC ang tanging "mariing paninindigan" na nabanggit nila sa maigsi naming kwentuhan. Pero sa katunayan, sa pitong mahahabang taon na nagdaan - sa "Punk Zappa," sa tema ng di mabilang na kanta, at maging sa kanilang aktitud sa harap ng midya - nakagawa ang Eraserheads ng napakaraming political statements kahit hindi nila namamalayan. Ngayon, nakakalulang isipin ang mga mensaheng pwede pa nilang iparating - lalo na kapag nagkaroon sila ng sensitibidad at sensibilidad sa pang-unawa sa mas malawak na tungkulin ng isang popular na musikero.

Kung bakit sa buong Dekada '90, kwentong kalye ng apat na drop-out mula sa Diliman ang nagsumuot hanggang sa loob ng mga silid-aralan. Mas marami na silang nalaman sa labas ng UP, at mas marami pang gustong makita sa labas ng bansa. May balak pa ba silang bumalik sa skwela?

"Siguro," sabi ni Buddy. "Kung wala nang classcards."

"Kung di na uso ang pera…" tapos ni Marcus.

* mula sa ispesyal na isyu ng Kule na Dekada 90

Saturday, August 23, 2008

FEIST on 89.9 KCRW's Morning Becomes Eclectic

Friday, February 22, 2008

years may go by

my 1st quarter song. :)

On Saturday Afternoons In 1963
Rickie Lee Jones

The most as you'll ever go
Is back where you used to know
If grown-ups could laugh this slow
Where as you watch the hour snow
Years may go by

So hold on to your special friend
Here, you'll need something to keep her in :
"Now you stay inside this foolish grin ... "
Though any day your secrets end
Then again
Years may go by

You saved your own special friend
'Cuz here you need something to hide her in
And you stay inside that foolish grin
When everyday now secrets end
Oh and then again
Years may go by

Wednesday, October 31, 2007

Ikaw na hindi kailanman sumapit

Ikaw na hindi kailanman sumapit

ni Rainier Maria Rilke

salin ni guillerluna


Ikaw na hindi kailanman sumapit

sa aking mga bisig, Sinta, na nawaglit

sa simula pa lamang,

Ni hindi ko alam kung anong mga awit

ang ikasisiya mo. Isinuko ko na ang pagtatangkang

kilalanin ka sa pagdaluyong ng

paparating na sandali. Lahat ng malalaking

tagpo sa loob ko--- ang kaylayo, labis na batid

na tanawin, mga lungsod, tore, at tulay, at

ang mga di inaasahang pagpihit ng landas,

at yaong mga makakapangyarihang lupaing dati-rati’y

tigib sa buhay ng mga diyos—

ay nag-uumapaw sa aking kalooban sa pagbatid

sa iyo, ikaw na kailanma’y umiiwas sa akin.

Ikaw, Sinta, na namumukud-tanging

hardin na aking minasdan,

inaasam-asam. Isang bukas na durungawan

sa isang bahay sa kanayunan—at muntik kang

lumabas, kunot-noo, para salubungin ako.

Mga lansangang aking natunton—

dinaanan mo lamang sila at ika’y naglaho.

At kung minsan, sa isang tindahan, kaylabo

pa ng mga salamin sa iyong presensya at,

nagitla, ibinalik sa akin ang iglap kong imahe.

Sinong nakaaalam? Maaring parehong

ibon ang umalingawngaw sa atin

kagabi, magkahiwalay, sa lalim ng gabi...

Monday, July 30, 2007

Labis akong nag-iisa sa panig na ito ng daigdig, pero di makapag-isa

salin ng I am Much Too Alone in This World, Yet Not Alone ni Rainier Maria Rilke


Labis akong nag-iisa sa panig na ito ng daigdig,
pero di makapag-isang sapat para ganap na paglaanan ang oras.
Labis akong nanliliit sa mundong ito, pero di sing-liit
para ituring mo na lamang na mumunting bagay,
madilim at listo.
Ibig ko ang kalayaan ng aking kalooban,
kaakibat ang kalayaan para maipahayag ito;
sa panahong naghihintay ng mga kasagutan,
sa tuwing may pagdududa,
ibig kong ako’y isa sa mga kasagutan,
kung hindi ako’y lubayan.

Ibig kong isalamin ang iyong ganap na imahen,
na kailanma’y di mabulag o tumanda
para tumbasan ang iyong kariktan.
Ibig kong bumukas.
Kailanma’y di ko ninais na maging baluktot, buktot
dahil kung gayo’y ako sa iyo’y di tapat, di sapat.
Ibig kong maging malinis ang aking budhi
para sa iyo;
at ibig kong magawa kong ilarawan ang sarili
tulad ng litratong kaytagal kong pinagmasdan nang malapitan,
tulad ng bagong salita na aking natutunan at niyakap,
tulad ng tapayan na lagi nang nagagamit,
tulad ng mukha ng aking ina,
tulad ng barkong nagtawid sa akin
sa hagupit ng pinakamalupit na bagyo.

Natuklap ang dingding ng aking kwarto nung isang gabi


Natuklap ang dingding ng aking kwarto
nung isang gabi.

Kasabay niya akong nahubdan:

Ikinatok ko sa kanyang dibdib
ang pagtibok ng aking puso.
(Isinumbong niya sa akin
na wala ang tao sa kabilang kwarto.)

Sa dilim, ipininta ko, gamit ang daliri at pawis,
sa lawak ng kanyang saklaw
ang mga panaginip ko gabi-gabi—
inihuhulog niya ang bituin mula sa pagkakadikit sa kisame,
iniluluha niya ang nababakbak niyang pintura.

Ibinulong ko sa ikinutkot kong butas sa dingding
ang mga sugat kong nagnaknak.
Pinatatahan ako ng tahimik niyang pakikinig.

Paminsan-minsan,
sa mga gabing hindi ako pinatutulog ng alinsangan,
hahawiin ko ang agiw na bumabalabal sa kanya.
Sabay kaming napapanatag sa pagdalaw ng tag-ulan.

Natikman na niya ang pait ng aking kamao.
Madalas niyang patuyuin ang maalat kong luha.

Sa tuwinang nangungulila,
nilalapat ko ang aking pisngi
sa hapo at manhid niyang balikat.

Ngayong gabi, malamig ang pader.

Thursday, June 29, 2006

insomaniac

"I am more afraid of losing consciousness
when I go to sleep, and that in my sleep
I will grow old and forget how desire
once drove me mad with wakefulness"

-Eric Gamalinda, Subterranean


unang binuksan
ang kanyang dibdib,
saka winakwak
ang tiyan.
nang di nila mabuo
ang palaisipan,
biniyak nila
ang bao
ng kanyang ulo.

sa labis na pagdurugo
ng kanyang utak,
kanilang napatanto
na sumasambulat
sa pagtulog
ang di maipahiwatig
ng dilat
at
mulat:

walang nangangarap
na di nagigising,
walang nagigising
na binabangungot.

Tuesday, May 30, 2006

Medida


Para kina A, B, G at F, mga tapat na kaibigan


“How do you measure a year?”

-Jonathan Larson, Rent

ang totoo, mga kaibigan ko,

ang mga pangarap nati’y di hinuhuling parang tutubi

hindi ito dadapo sa mga ligaw na damo

hindi ito mahahabol ng maliliksing daliri.

batid natin ito.

ngayon pa lamang, dapat matutunan na natin ito:

ang kasaysayan natin ay hindi bubuin ng mga araw at kaganapan

hindi tayo ipagpapatayo ng mga rebulto’t monumento,

wala tayong hinihintay na manunubos, di tulad sa mga nanampalataya,

na darating na parang magnanakaw sa gabi

ang totoo, ang eksaktong lugar/panahon na kaya nating lingunin,

ang panandang-bato kung saan natin, mula rito, susukatin ang ating narating,

ang siya ring eksaktong puntong nagbubuklod sa atin

ang totoo, mga kaibigan ko,

sa pagitan ng mga huntahan at kwentuhan natin ay mga buntung-hininga—

na bagamat walang titik ay may di nasusukat na pantig na tigib ng kahulugan